Ang teatro ay isa sa mga pinakamahusay na paraan ng sining upang makipag-usap, makisalamuha, at makialam sa buhay ng tao. Pinagniniig ng teatro ang lahat ng uri ng sining: sining biswal, musika, literatura o panitikan, komunikasyon, at sining ng pagtatanghal (tulad ng sayaw at galaw). Higit sa lahat, naka-sentro ang teatro sa tao bilang manlilikha at pinakamahalagang tagapagpaganap ng sining.
MISYON
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEjb_XUdRBgTM9ng1SkovGqLl4J8tvGczQ0kYNXjnhts2gzCCdgVEexCmCDmCkX8B7wp26ZZATUoXVBnK_Lv-KnczxTuk5nodlqVcfiPnPtedSK1eXX7HhKM31yIwXPveDORn_UvJT21vfU/s320/ad14.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEgZ-5hhovi_a7KwpPzoEdSOa_yjKzdBkOerVsCb-Gaupk7VEJ898qdfyLDaAPg2hgEvKRkh7jhTI2CE8Mx96kcPK_VwcOYdSuja5K7Afs2ZwSE8O-smfWSW8qKMfAxnpqJTiiYos42VET0/s320/ad24.jpg)
Maging aktibo sa pagpapalaganap ng teatrong tunay na malapit sa kaisipan, karanasan at oryentasyong Pilipino.
Magbigay sa mga indibidwal at mga pamayanan ng daan upang mapaunlad ang sarili sa pamamagitan ng teatro.
LAYON
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhqydxnfEj7PaZXrOWREsLV2aMe787mCWV6rg6j4MMaTHmS0eu9307x1K9b42jb_LppvvWCgRDub7vF0SVUNgEtHqDAvg_Fi7uQ-m-U85AQcLIYHhwZjZxKtjfEFId_PqHC0cXEvp6PZW0/s320/ad23.jpg)
Naniniwala ang UP SIKAT sa kakayahan ng bawat isang nilalang at sa kanyang taal na kagustuhang mapabuti ang sarili. Naniniwala rin ang samahan na hindi hiwalay ang isang nilalang sa kanyang lipunan at maaaring maging sabay ang pag-unlad niya at ng kanyang lipunang ginagalawan; isang mabisang paraan ang teatro upang mapagbuti siya at isulong ang pag-unlad. Sa pagtupad ng mga paniniwalang ito ay nilalayon ng samahan ang mga sumusunod:
Isang teatrong maka-Pilipino, malaya at mapagpalaya. Isang samahang isusulong ang pag-unlad ng teatrong maka-Pilipino, malaya at mapagpalaya.
Mga artistang may pag-ibig sa kanilang sining at may paninindigan.
Mga indibidwal na may linang na kakayahan at handang magpamahagi nito sa iba.
Naniniwala ang samahang ito sa kakayahan ng bawat indibidwal na ibinigay ng Maykapal. Nangangailangang maging isang kasangkapan ang samahan upang pagyamanin ang biyayang ito.
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEh_sI2or8L9GU_Z9T-bQERqf9s4eoWb2-ObjJgGnnWu-F6Ge16-taGf_WOFw1NX-g4i2yqLrBnMZ8NRBiJqlhF-L32mfF0CwgO_h-ypVzAN8S7uo7rHdvbvvvpbR18fZaZJUjfj-2uR1IE/s320/ad13.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEi4dFZOgYJluJGYZdO34s_twMY2iuEZmb7Fhyphenhyphen4wCmz-fPNaC_ORVxzqJTE_7C68hLNF7K-9EcB1WQHB5MlLdKSHORux2hL8SvKxiK-lUbDtPSv7KcT8dWupucITOWQkv-mNF1z8gKLRlIM/s320/ad07.jpg)
Naniniwala ang samahang ito na ang teatro ay kailangang maging daan upang maisiwalat ang tunay na saloobin ng mga tao at mga pamayanang tumatangkilik nito sa mga usaping kinasasangkutan nila.
Naniniwala ang samahang ito na kailangang buklurin ang mga mag-aaral ng unibersidad upang makilahok sa pagpapalaganap ng teatro para sa mas nakakarami.
Obra ng tao, at ng kaniyang lipunang kinabibilangan, ang sining kung kaya hindi maaaring ihiwalay ang tao sa sining na kaniyang likha. Sinasalamin ng teatro ang likas na kakayahan at kagalingan ng tao—nakapag-iisip, may talino, at malikhain.