15 July 2010

Tao. Teatro, Pagbabago. Dito kilala ang UP SIKAT.

ni Erica Hitosis












Isa sa mga layunin ng samahan ang magpahalaga at kumilala sa mga talento ng bawat indibidwal, at humubog ng isang uri ng teatrong maka-Pilipino, malaya at mapagpalaya. Hindi na siguro nakapagtatakang magkaroon ng isang Educational Discussion ang UP SIKAT tungkol sa Sikolohiyang Pilipino (SP) at ang "Teatrong Sikat".

Inimbitahan namin ang "sumikat" (SIKAT alumnus) na si Sir Ton Clemente, mula sa Department of Psychology, CSSP sa isang talakayan noong nakaraang Martes, 13 July. Ibinahagi niya ang kanyang kaalaman tungkol sa Sikolohiyang Pilipino at ang kaugnayan nito sa sining at teatrong tatak-SIKAT. Sa katunayan, mayroon siyang tatlong malalaking pabaon mula sa SP:

#1 Maka-Pilipino Tayo!

Mahalaga sa bawat samahang panteatro na isipin kung sino ang kanilang manonood. Sino nga ba naman ang manunood at tatangkilik ng mga palabas na hindi angkop sa kultura at karanasan ng mga manonood nito? Ang mga pagtatanghal ng SIKAT ay kailangang maipakita ang pagkiling sa mga karanasan ng "buhay Isko at Iska", at higit pa roon, ang buhay Pilipino. Kailangan ipakita sa pagtatanghal na mayroong pagmamahal at suporta para sa bayan dahil dito makikilala ang tunay na Teatrong Pilipino.

#2 Makabuluhan at Makahulugan Tayo!

Hindi lamang nais ng SIKAT ang magbigay-aliw, isinusulong din ng samahang ito ang pagbabahagi ng mga makabuluhan at may kahulugan na palabas. Ayon kay Sir Ton, nararapat na magkaroon ng malinaw na layunin ang bawat palabas, at kailangan ding may maiuuwing kaalaman ang mga nanunood nito upang maging daan ang sining sa pagbabago ng tao, at sa lipunang ginagalawan niya.

#3 Teatro Tayo ng Pagbabago!

Naniniwala ang samahan na ang teatro ay isa sa mga pinaka-mabisang instrumento ng pagbabago, at kailangang gamitin ito upang makapag-pahayag ng mensahe sa nakararami ukol sa mga isyu na napapanahon at angkop sa kanilang manonood. Kailangan ay mahikayat ng sining ang bawat isa na gumawa ng kanilang bahagi tungo sa isang mas maunlad na kinabukasan.

Nag-iwan din ng ilang hamon si Sir Ton sa lahat ng dumalo sa discussion na ito. Nais niyang balikan ng mga miyembro at suriin ang mga nakaraang pagtatanghal ng SIKAT. Ang mga ito ba ay maka-Pilipino, makabuluhan at makahulugan? (O alin sa mga nakaraang pagtatanghal ang maka-Pilipino, makabuluhan at makahulugan, at alin kaya ang naiba ng direksyon?) Kasama na rin dito ang mga palabas pang itatanghal ng SIKAT sa hinaharap. Nararapat lang na gawing gabay ng teatrong SIKAT ang Sikolohiyang Pilipino, upang lalong maramdaman at maisakatuparan ang mga salitang “Tao. Teatro. Pagbabago.”




* Si Erica ang kasalukuyang Diwata ng Halina ng SIKAT

* Si Tonton Clemente ay kasalukuyang junior faculty adviser ng SIKAT, at host sa Psych O'Clock Habit sa DZUP 1602.

1 Comments:

  1. Erica! Maraming salamat dito :) Parang 1st time ata (ooh...) na pagkatapos ng sharing ko may ganitong summary at/o feature na nagawa. Hihi. Na-appreciate ko ito at sana nakatulong!

    Mabuhay ang Sikat! I *heart* Sikat forever!!!

    ReplyDelete

Related Posts with Thumbnails